Sedges

Weeds

PANAHON NG PAG-ATAKE

Sa buong panahon ng pagpapalay, mayroong tinatawag na ‘critical period of crop-weed competition’. Ito ay tumutukoy sa pinakamaiksing yugto sa paglaki ng palay kung saan ang pagdadamo o pagkontrol sa damo ay magdudulot ng pinakamataas na kita sa ani. Humigit-kulang sa unang 40 araw ng palay ang pinaka kritikal na panahon para sa pagkontrol ng mga damo. 

Ang mga damo ay mga species ng halaman na tumutubo sa mga lugar na hindi nararapat, gaya na lamang sa mga palayan. Karamihan sa mga weeds ay tumutubo sabay sa ating pananim kaya naman nagiging kakumpetensiya ang mga ito sa patubig, sa espasyo, sikat ng araw, maging sa nutrisyon. Agarang pagkontrol ang solusyon dito. Likas na mapaminsala ang mga damo sapagkat kayang bumaba ang ani ng palay hanggang 50%. Kilala rin ang mga damo bilang alternate host sa iba’t-ibang mga insekto at sakit ng palay. Malaki rin ang naibababa ng kalidad ng ani ng palay dahil sa kontaminasyon ng mga weed seeds sa bawat sako ng bigas dahil madalas makasama ito sa mga makinarya (e.h. harvester o kaya thresher). Mabilis din itong kumalat sa kabukiran maging sa ibang lugar dahil magaan ang mga buto nito at maaaring dalahin ng hangin, tubig, o ng mismong hayop o tao. Natural din sa mga damo ang pagkakaroon ng maramihang buto na higit na mas maliit sa buto ng palay. 

Ang mga weed species ay maari nating matukoy base sa kanyang pisikal na kaanyuan at ito ay nahahati sa 3 grupo: grass, sedge, broadleaf. Ang sedge ay medyo nakakatulad ng anyo ng grasses maliban sa mas malambot ito (herbaceous), may tatluhan at paikot na anyo ng dahon, at may patatsulok na katawan kaya madalas itong tawagin na treskantos. Kilala rin ang sedge species sa pagkakaroon ng laman sa ugat o tuber gaya ng mutha kaya naman mabilis itong tumubo at matagal maging dominante sa bukid.