Diamondback Moth

Plutella xylostella

Insects

Kilala rin sa tawag na: Tarzan, Parachute, Banago

Ang Diamond Backmoth o DBM ang pinakamapanirang peste ng repolyo. Ang pinsalang dulot nito ay maaaring humantong sa halos 50-80 porsyentong pagkalugi. Sa Timog-Silangang Asia, napakataas na ng resistance ng DBM sa iba't-ibang klase ng insecticides para dito.

Ang mga itlog ng DBM ay inilalagak ng paisa-isa o sama-sama sa mga dahon. Tumatagal ng 5-6 na araw ang mga itlog bago mapisa at maging uod. Ang mga uod ay pahaba at berde ang kulay na may maitim na ulo. Nagtatagal ng halos 7-11 na araw ang mga uod bago maging uod tulog o pupa. Ang uod tulog ay nananatili sa mga dahon at nababalutan ng kulay gatas na sapot. Ang mga inahin ay kulay abo at may mala-dyamanteng marka sa likod ng pakpak kapag nakatiklop ito.