Corn Planthopper (CPH)

Peregrinus maidis, Stenocranus pacificus

Insects

PANAHON NG PAG-ATAKE

Ang CPH ay karaniwang umaatake simula ikalawang linggo pagkatanim hanggang makalampas ng isang buwan. Sa mga malalang kundisyon tulad ng napahabang tagtuyot at mainit na panahon, umaatake pa rin ang mga ito hanggang sa pamumulaklak at pamumunga ng mais.

Kilala rin sa tawag na: Talakitik (Ilocano), Waya-waya (Cebuano, Ilonggo) at Ngusong-kabayo (Tagalog)
 
Ang mga corn planthoppers (CPH) ay mga mapanipsip na insekto na laganap sa iba't-ibang bahagi ng Pilipinas partikular sa Mindanao at Cagayan Valley. Kapag hindi naagapan, ito ay maaaring magsanhi ng pagkatuyo ng mga dahon, maging ng bulaklak at sa malalang kundisyon ay ng buong puno ng mais. Ito rin ay naglalabas ng malagkit na katas na kung tawagin ay "honey dew" na nagiging sanhi ng pagkakaroon ng amag na tinatawag na sooty mold. Ang babaeng CPH ay may malangis na tiyan na hindi makikita sa lalaking CPH. Ang mga inahin ay may kakayahang mangitlog nang hanggang 100 sa loob ng isang linggo. Ang mga CPH ay kadalasang magkakasama at nagkukumpulan sa usbong at ilalim ng dahon ng mais.