Brown Planthopper (BPH)

Nilaparvata lugens

Insects

PANAHON NG PAG-ATAKE

Maaaring umatake ang mga BPH sa kahit anong yugto ng palay, lalo na sa panahon ng tag-init, pero pinakakritikal ang mula sa pagsusuwi hanggang sa pagsasapaw.

Kilala rin sa tawag na: Kayumangging hanip, Kayumangging ngusong kabayo, Ulmog, Bunhok at Waya-waya

Ang BPH ay isang insekto na sumisipsip ng katas ng palay na nagdudulot ng paninilaw ng mga puno at lapak o talukap ng dahon (leaf sheaths) hanggang sa matuyo ang mga ito. Kapag mataas ang populasyon nila maari itong magresulta sa tinatawag na hopperburn, ang pagkasunog o pagkamatay ng mga halaman. 

Ang adult o matandang BPH ay kulay kayumanggi at ang nymph o inakay nito ay kulay krema na may bahid kayumanggi. Sila ay makikita sa may bandang ibaba o puno ng halaman. Pawang mapanira ang mga inakay at matatandang BPH. 

Ang mga BPH ay maaring magdala at magkalat ng mga sakit na Ragged Stunt, Grassy Stunt at Wilted Stunt. Ang kanilang ipot o kung tawagin ay honeydew ay humihikayat ng amag na sooty mold.